Thursday, December 27, 2007

Ready, Set, GO!

Ito na ang pilot episode ko, ‘takte nabuo ito sa loob ng isang oras dahil sa nag-uumapaw na panggigigil nang mga damdaming hindi mailabas sa mga nakaraang pagsusulat. Kumbaga, ito ang underground persona ko. Bale, yun mainstream ‘pagkatao’ ko ay pansamantala o baka habambuhay na munang isilid sa isang mahiwagang sako.

Siguro, masyado akong duwag para hindi mailabas lahat sa mga dati kong pagtumpik-tumpik. Naiisip ko kasi nuon ang mga taong masasaktan ko dahil madalas sa kanila iikot ang mga maaanghang kong salita. Nasabi ko man sa kanila ng personal, inakala pa rin nilang malupit na pagbibiro lang. Kailan ba sila maniniwala na nagagalit ako?

Pagdating sa mga entrada ko dito, aagos na ang mga naitatagong bagsik, samakatuwid, ito ang stress releaser ko. Kaya sa mga makakabasa nito, batu-bato sa langit, ang tamaan ay wag magagalit.

^_0

"I have a right to my anger, and I don't want anybody telling me I shouldn't be, that it's not nice to be, and that something's wrong with me because I get angry."
-Maxine Waters, in Brian Lanker, I Dream a World, 1989
Recap lang ng mga kinainisan ko ngayong taon upang hindi mabitbit sa bagong taon:

1. Ang pagdadala ng aking kasama sa aming unit ng kanyang loovey dovey.
Kailangan pa bang makitulog gayon may sarili naman itong apartment? Naisip ba ng kasama ko ang aking privacy gayong nagbabayad naman ako? Bakit pakonsensya magtanong ang aking kasama ukol sa taong gusto niyang dalhin sa aming kuarto? Kailangan bang maging sobrang maramdamin? Bakit ayaw niyang malaman ng iba ang kanyang pagpapatulog ng kanyang nobyo sa aming kuarto gayong nakikita na naman ito ng iba?

+ Kasalanan ko rin siguro dahil nahihiya akong sumagot ng ‘hindi.’ Kung magkakaroon ng rewind, sisigawan ko siya ng malaking malaking ‘HINDI.’ Ito siguro ang tinatawag na pakikisama, pero mukhang sumusobra na. Naisip ko kung ako kaya ang nasa kalagayan niya, magpapatulog din kaya ako ng aking nobyo? Pedeng oo, ngunit sa malamang ay hindi ito.

Hindi rin ako sanay na may iniintinding iba. Ayoko ng may umiingit lagi sa tabi ko at kulang na lang ay pasakan ko ng tsupon. Ahh, naiinis na ulit ako.

2. Libag na katamaran.
Hindi ko alam kung bakit naknakan ko ng tamad. Hanggang ngayon, hindi ko pa natatapos ang isang review material ko. Kasi kung matyaga akong sagutan iyon, malamang walang ‘takteng lalabas.

3. Naiipit sa nag-uumpugang bato.
Nakipaghiwalay na ang kabarkada ko sa kanyang girlfriend in three years. Ayoko nang madaming tanong ukol sa akin kung bakit sila naghiwalay at blah blah blah. Una, hindi naman ako ang nakipaghiwalay at malamang, wala rin akong pakialam dahil malalaki na sila. Pangalawa, maawa sa taong napupuyat dahil sa pagsagot sa mga paulit-ulit na tanong. Bakit? Bakit? Bakit?Siguro, kiber lang talaga ako.

Ito siguro ang masama sa akin, pabugso-bugsong pangangalit. Pero at least ngayon, may bagong basurahan na naman akong pagtatapunan ng mga nagbabagang damdamin.