Tuesday, September 9, 2008

decided

“The best day of your life is the one on which you decide your life is your own. No apologies or excuses. No one to lean on, rely on, or blame. The gift is yours - it is an amazing journey - and you alone are responsible for the quality of it. This is the day your life really begins.”
–Bob Moawad quotes

Sa past post ko, sinabi ko na parang in-love ako na parang hinde. Tipong pag constipated ka, hindi mo alam kung lalabas o hinde. At ang aking final verdict, hinde ako in-love. Langya. Hindi ko rin alam ang gagawin ko. Ako na yata ang pinaka-selfish na taong nakilala ko, idagdag mo pa diyan na napaka-self centered at ang trip yata ay manakit lang ng kapwa. Napaka-conceited pa.

Napapasipol na lang ako kapag naiisip ko. Sinabihan kasi ako ng ‘I love you.’ Siempre, tiklop ako sa pangingilabot. Wala kasing spark eh. Ayon nga sa isang nabasa kong blog, kapag love daw ay tatanggapin mo lahat. Kumbaga, kahit durugista siya o nakapatay siya ng tao noon, tanggap mo. Kasi package deal na kapag mahal mo siya, tatanggapin mo lahat whole-heartedly. Naks!

Hindi ko kasi ma-imagine na siya ang makakasama ko (forever) *insert p*ta here.* Akala ko dati matatanggap ko, pero hindi talaga eh. Nag-try naman ako na magustuhan siya ng bonggang-bongga kaso ayoko naman ipilit for the sake na magka-dyowa lang ako. Oo, gustung gustung gustung gusto ko nang magka-syota, pero ayoko nang ‘thought’ lang, gusto ko with feelings!

Spur of the moment lang siguro na nakipag-date ako sa kanya. Pede pa rin naman kaming lumabas pero tropapips na lang. Hindi ko pa rin masabi sa kanya na wala na siyang maaasahan sa akin. Pero hindi ko pa rin siya mapakawalan kasi yun security (parang ganon) na nabibigay niya sa akin. Yun tipong minsan masarap din naman na nakaka-receive ka ng message sa celfone mo na, kumain ka na? musta na? dadalawin kita dyan ah.

Selfish talaga. Ang desisyon na ito ay dahil sa isang panaginip na ayoko nang i-broadcast. Basta, iyon ang nagpatunay na wala talaga akong nararamdaman sa kanya. Naiisip ko rin na kaya baka wala akong maramdaman ay dahil subsob ako ngayon sa trabaho. Punyemas talaga, sana bukas paggising ko okay na ang lahat.

Decided nga ba talaga na ayaw na? Naiisip ko kasi kung gagamitan mo ng logic, TRUE & TRUE = TRUE; FALSE & FALSE = FALSE; TRUE OR FALSE = TRUE; TRUE & FALSE = FALSE. Yun huli ang nararamdaman ko, mixed emotions na gusto at hindi gusto, ang conclusion ko tuloy ay hindi ko talaga gusto kasi naman ay hindi ako mag-iisip ng ganito kung gusto ko talaga siya. Di ba? Di ba? Tama ba ako? Feeling ko ay tama ako.

Monday, September 1, 2008

Pede iba na lang?

"Don't brood. Get on with living and loving. You don't have forever." -thinkexist.com
Confused? Tae. Oo. Alam mo ba yun feeling na parang in-love ka pero alam mo namang hinde kasi hinde yun ang pakiramdam na ine-expect mo? Magulo ba? Malamang. Hindi ko rin alam kung bakit ko napasok ang ganitong sitwasyon. Pakiramdam ko kasi nag-uumpisa na naman akong bilangan ng karma. May nagawa ba ako dati? Malamang! Natatakot na naman ako makarma eh.

Rewind. Rewind. Nuong Pebrero, parang nag-request lang ako sa kaibigan ko na kailangan ko nang maka-kadate para malibre sa pagkain. Nang mga panahon na iyon, ako ay naka-apartment at ang pera ko ay limitado nang bonggang-bongga. So ayun na nga, nakapag-date ako nang ‘kumikitang kabuhayan’ pero hindi ko talaga type eh. So, alsa balutan agad ako nang gabi na yun. Salamat sa libreng dinner! Tapos ang kabanata na yun nang aking buhay.

So balik na naman ako sa singleness at sa present, hanggang sa may maka-date ulit na lalake na sumobra ang kabaligtaran nang gusto ko. Ano ba ang hinahanap ko? Siempre unang-una ay may stable na trabaho (kumikitang kabuhayan, ding! Ding!), pangalawa ay matangkad, pangatlo ay presentable na tipong hindi ako mahihiya na iharap sa magulang at kaibigan ko at ang huli ay maiintindihan ang mga katarayan at isyus ko sa buhay-buhay.

Yun dine-date ko ngayon, okay kami, naiintindihan naman niya ang kaweirduhan ko. Kaso nga lang hindi siya stable, hindi matangkad, hindi maputi, nakakaloko ang punto, mukhang mahihiya akong ipakilala sa mga kabarkada ko at minsan nakokornihan ako. Pero tae nang mga tae, hindi naman ako mapakali kung hindi kami mag-uusap o kaya ay may simpleng palitan ng text. Pesteng kupido. Pero hindi talaga ako in-love eh, yun tipong kung may darating na mas okay dun na lang ako.

Guapo naman eh, kinulang lang sa height. Magiging stable din naman (sana!) pero hindi ngayon, mag-a-abroad kasi siya kaya dapat makapag-ipon siya (dapat! Dapat!), matatanggap ko nang hindi maputi, at siguro maipapakilala ko na siya kung stable na talaga siya at sana naman ay mawala na ang punto niya.

Kung malalaman ito ng mga katropa ko, patay ako! Ako lagi ang pasimuno nang paghahanap sa mga kumikitang kabuhayan pero lumagpak ako sa mag-uumpisa pa lang. Langya. Malay naman natin, um-OK na siya sa susunod. Medyo may pagka materialistic talaga ako, fanatico yata ako nang kasabihan na ‘when money goes out the door, love flies out the window.’ Parang ganun, hindi lang ako kumportable sa sitwasyon ko ngayon. Sabi nang isang kaibigan, love is sacrifice, punyeta, penitensya ang hinaharap ko ngayon eh.

Trivia lang, ilang araw na ang nakakalipas, sa kagustuhan ko na magkita kami, nakipagkita ako sa kanya matapos niya maipasa ang mga requirements niya sa abroad. So ayun na nga, pero dahil nagbayad siya ng kaperahan sa agency, ako ang nagbayad ng pagkain, sine at fruit juice namin. Langya, first time mamasan ang drama ko. Ang weirdo di ba? Napapaisip ako kung nagpapapansin na sa akin ang karma o confused lang ako sa nararamdaman ko. Peste. Leche.

Tuesday, January 1, 2008

Bagong hobby

“If you wish to forget anything on the spot, make a note that this thing is to be remembered.”
- Edgar Allan Poe

Nakakalungkot lang isipin na kailangan pa ba akong burahin sa isang listahan para lang ako makalimutan. Sige lang, gawin mong hobby yan. Wala naman akong balak maghabol kasi una, wala na naman akong hahabulin at pangalawa, malalaki na tayo para balikan pa ang mga alaala na iyon.
Sabi nga nang isang kabarkada, ayos din daw ang mga bago niyang napipili, laging may konek sa akin. Ang pabiro kong sagot, “kasi mahirap niya akong makakalimutan.” First love? Hinde naman, ito halos ang unang kalandian ko ng kolehiyo, kaya aminado akong hindi ko malilimutan. Wala nang pagkagusto o ano pa man, masaya lang balikan yun mga naganap dati.
Nasa iyo pa rin kaya ang card ng isang pampublikong tren na napulot ko? Nami-miss mo ba ang mga panlalait ko *ngisi*? May balak ka pa bang kunin ang bago kong numero? Kasama ba ako sa mga aalisin mo para mapatunayan sa kanya na nagbago ka na?
Ako, naaalala pa rin kita. Yun pagsabay-sabay natin nang pag-uwi kahit minsan lang, yun mga paghihintay mo, ang pagkikita nang maaga sa canteen at marami pang iba. Na-mi miss kita kasi naging kaibigan kita. Hindi mo ako kailangan burahin sa buhay mo.
Pero kung desidido ka na, eh di sige lang…

Thursday, December 27, 2007

Ready, Set, GO!

Ito na ang pilot episode ko, ‘takte nabuo ito sa loob ng isang oras dahil sa nag-uumapaw na panggigigil nang mga damdaming hindi mailabas sa mga nakaraang pagsusulat. Kumbaga, ito ang underground persona ko. Bale, yun mainstream ‘pagkatao’ ko ay pansamantala o baka habambuhay na munang isilid sa isang mahiwagang sako.

Siguro, masyado akong duwag para hindi mailabas lahat sa mga dati kong pagtumpik-tumpik. Naiisip ko kasi nuon ang mga taong masasaktan ko dahil madalas sa kanila iikot ang mga maaanghang kong salita. Nasabi ko man sa kanila ng personal, inakala pa rin nilang malupit na pagbibiro lang. Kailan ba sila maniniwala na nagagalit ako?

Pagdating sa mga entrada ko dito, aagos na ang mga naitatagong bagsik, samakatuwid, ito ang stress releaser ko. Kaya sa mga makakabasa nito, batu-bato sa langit, ang tamaan ay wag magagalit.

^_0

"I have a right to my anger, and I don't want anybody telling me I shouldn't be, that it's not nice to be, and that something's wrong with me because I get angry."
-Maxine Waters, in Brian Lanker, I Dream a World, 1989
Recap lang ng mga kinainisan ko ngayong taon upang hindi mabitbit sa bagong taon:

1. Ang pagdadala ng aking kasama sa aming unit ng kanyang loovey dovey.
Kailangan pa bang makitulog gayon may sarili naman itong apartment? Naisip ba ng kasama ko ang aking privacy gayong nagbabayad naman ako? Bakit pakonsensya magtanong ang aking kasama ukol sa taong gusto niyang dalhin sa aming kuarto? Kailangan bang maging sobrang maramdamin? Bakit ayaw niyang malaman ng iba ang kanyang pagpapatulog ng kanyang nobyo sa aming kuarto gayong nakikita na naman ito ng iba?

+ Kasalanan ko rin siguro dahil nahihiya akong sumagot ng ‘hindi.’ Kung magkakaroon ng rewind, sisigawan ko siya ng malaking malaking ‘HINDI.’ Ito siguro ang tinatawag na pakikisama, pero mukhang sumusobra na. Naisip ko kung ako kaya ang nasa kalagayan niya, magpapatulog din kaya ako ng aking nobyo? Pedeng oo, ngunit sa malamang ay hindi ito.

Hindi rin ako sanay na may iniintinding iba. Ayoko ng may umiingit lagi sa tabi ko at kulang na lang ay pasakan ko ng tsupon. Ahh, naiinis na ulit ako.

2. Libag na katamaran.
Hindi ko alam kung bakit naknakan ko ng tamad. Hanggang ngayon, hindi ko pa natatapos ang isang review material ko. Kasi kung matyaga akong sagutan iyon, malamang walang ‘takteng lalabas.

3. Naiipit sa nag-uumpugang bato.
Nakipaghiwalay na ang kabarkada ko sa kanyang girlfriend in three years. Ayoko nang madaming tanong ukol sa akin kung bakit sila naghiwalay at blah blah blah. Una, hindi naman ako ang nakipaghiwalay at malamang, wala rin akong pakialam dahil malalaki na sila. Pangalawa, maawa sa taong napupuyat dahil sa pagsagot sa mga paulit-ulit na tanong. Bakit? Bakit? Bakit?Siguro, kiber lang talaga ako.

Ito siguro ang masama sa akin, pabugso-bugsong pangangalit. Pero at least ngayon, may bagong basurahan na naman akong pagtatapunan ng mga nagbabagang damdamin.